Ang Pagtanggap sa Sakramento ng Unang Komunyon


Tema: "Hesus, Pagkaing Nagbibigay-buhay."

Paunang Salita:
N: Ngayon ay isang natatanging araw sa ating lahat lalo na para sa mga batang tatanggap ng kanilang unang komunyon. Noon tayo ay nabinyagan tayo ay napabilang sa pamilya ng Diyos. Dahil tayo ay pamilya ng Diyos, bibigyan tayo ngayon ni Hesus ng natatanging tanda ng Kanyang buhay at pagmamahal. Sa araw na ito, mangako tayo na mamumuhay tayo sa pag-ibig ni Hesus. Siya ay mananahan sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Katawan at Dugo. Ibahagi natin ang ating kagalakan at purihin Siya sa kanyang pagdating.

Magsitayo ang lahat at sumabay sa pag-awit.

Pambungad na Awit:
Sa Piging ng Panginoon (Eduardo Hontiveros)

// Sa piging ng ating Panginoon,
tayo’y laging natitipon
Upang matutong magmahalan
sa pag-ibig na nakamtan //

Buhay ay inialay N’ya
sa Dakilang Diyos Ama
Upang atin nang makamtan,
buhay na walang hanggan. //

Buhay ay inialay N’ya,
upang tayo’y magkaisa
Sa paghahatid ng ligaya
mula sa pag-ibig N’ya. //

PAGBATI
P: Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.
B: AMEN.

P: Sumainyo ang Panginoon.
B: AT SUMAIYO RIN.

Bata 1: MAGALAK AT PURIHIN ANG PANGINOON! (papalakpak ng tatlong beses at uulitin ng mga bata) ANONG GANDA AT DAKILA ANG ARAW NA ITO. ITO ANG NATATANGING ARAW NA GINAWA NG PANGINOON PARA SA ATIN. SA ARAW NA ITO, SASARIWAIN NATIN ANG ATING PANGAKO SA BINYAG. NAIS NATING MAGING KATULAD NI HESUS; MABUTI, MASUNURIN, AT MARUNONG MAGMAHAL.

Bata 2: SA ARAW NA ITO, SA UNANG PAGKAKATAON, TATANGGAPIN NATIN SI HESUS, “ANG TINAPAY NG BUHAY”. KATULAD NG TINAPAY NA MABUTI PARA SA ATIN NA KINAKAILANGAN NATIN UPANG LUMAKI AT MAGING MALAKAS, GANOON DIN, TAYO AY PALALAKASIN NI HESUS, ANG TINAPAY NG BUHAY, SA ATING PANANAMPALATAYA AT PAG-IBIG.

MABUHAY SI HESUS, “TINAPAY NG BUHAY!” (uulitin ng mga bata)

MABUHAY SI HESUS, PAGKAING NAGBIBIGAY-BUHAY! (uulitin ng mga bata)

TAYO AY MAGSAYA, SI HESUS AY MAPAPASAATIN! (uulitin ng mga bata)

PAGSISISI
P: Mga kapatid, aminin natin ang ating mga kasalanan upang tayo’y maging marapat gumanap sa banal na pagdiriwang.

Inaamin ko…

B: Inaamin ko sa Makapangyarihang Diyos at sa inyo, mga kapatid, na lubha akong nagkasala (dadagok sa dibdib) sa isip, sa salita, at sa gawa, at sa aking pagkukulang. Kaya isinasamo ko / sa Mahal na Mariang Birhen, sa lahat ng mga anghel at mga banal, at sa inyo mga kapatid, na ako’y ipanalangin sa Panginoong ating Diyos.

P: Kaawaan tayo ng Makapangyarihang Diyos, patawarin tayo sa ating mga kasalanan, at patnubayan tayo sa buhay na walang hanggan.

B: AMEN.

Panginoon, Kaawaan Mo Kami:
Misa Antonio

Kantor: Panginoon, kaawaan mo kami.
Bayan: Panginoon, kaawaan mo kami.

Kantor: Kristo, kaawaan mo kami.
Bayan: Kristo, kaawaan mo kami.

Kantor: Panginoon, kaawaan mo kami.
Bayan: Panginoon, kaawaan mo kami.

Papuri sa Diyos:
Solemne

Papuri sa Diyos sa kaitaasan!
At sa lupa'y kapayapaan
Sa mga taong kinalulugdan Niya.

Pinupuri Ka namin, dinarangal Ka namin
Sinasamba Ka namin, ipinagbubunyi Ka namin.
Pinasasalamatan Ka namin
dahil sa dakila Mong angking kapurihan.

Panginoong Diyos, Hari ng langit
Diyos Amang makapangyarihan sa lahat.

Panginoong Hesukristo, bugtong na Anak
Panginoong Diyos, Kordero ng Diyos,
Anak ng Ama.

Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa Ka sa amin.
Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
tanggapin Mo ang aming kahilingan
Ikaw na naluluklok sa kanan ng Ama,
maawa ka sa amin.

Sapagkat Ikaw lamang ang Banal
Ikaw lamang ang Panginoon
Ikaw lamang, O Hesukristo ang kataas-taasan
Kasama ng Espiritu Santo
sa kadakilaan ng Diyos Ama, Amen!

PANALANGING PAMBUNGAD:
P: Manalangin tayo. Amang mapagmahal, ikaw ay mabuti. Pinagkalooban mo kami ng buhay. Sa araw ng aming binyag, tinawag mo kaming maging iyong anak. Hinihiling naming palakasin mo kami sa aming pagtanggap ng Tinapay ng Buhay upang lumago kaming mabuting mga anak ng Diyos, sa pamamagitan ni Hesukristong aming kapatid kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

(o kaya para sa ika-31 ng Enero, 2026 / Paggunita kay SAN HUAN BOSCO, pari)

P: Ama naming makapangyarihan, inantig mo ang paring si San Juan Bosco upang maging ama at guro ng mga kabataan. Ipagkaloob mong kami'y madarang ng ningas ng pag-ibig na sa kanya'y nagpaalab para ang kapwa'y pagmalasakitan at ikaw ay paglingkuran sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

B: AMEN.

PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS
N: Magsiupo ang lahat. Buksan ang ating puso’t isipan at making sa Salita ng Diyos.

Unang Pagbasa:
1 Corinto 11:23-26

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto.

Ito ang aral na tinanggap ko sa Panginoon at ibinigay ko naman sa inyo: Ang Panginoong Hesus, noong gabing Siya’y ipinagkanulo ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat at pinagpira-piraso at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin.” Gayon din naman, matapos maghapunan ay hinawakan Niya ang saro at sinabi, “Ang sarong ito ang bagong tipan na pinagtibay ng aking Dugo. Sa tuwing kayo ay iinom nito, gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin.” Sapag tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa sarong ito, ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa muling pagparito Niya.

Ang Salita ng Diyos.

B: SALAMAT SA DIYOS.

Salmong Tugunan:
Salmo 23 (Arnel Aquino)

Tugon:
ANG PANGINOON ANG AKING PASTOL
WALA ‘KONG DAPAT IKAPANGAMBANG ANUMAN.

Luntiang pastulan, doon hihimlay
Malinaw na batis, pamatid uhaw
Sa tamang landas ako'y babanaagan
Kay tapat Niya sa akin

ANG PANGINOON ANG AKING PASTOL
WALA ‘KONG DAPAT IKAPANGAMBANG ANUMAN.

Dilim at panganib, Siya ang papawi
Bisig Niya'y kapit, tatag ng dibdib
Ang hain Niya nga ang sagana ng buhay
Tahanan ko'y Kanyang pag-ibig

ANG PANGINOON ANG AKING PASTOL
WALA ‘KONG DAPAT IKAPANGAMBANG ANUMAN.

Dalangin ko lamang O Panginoon
at pagkabagabag ng kalooban
Kung piliin ko man maligaw ang pag-ibig
Tawagin mo at akaying pauwi

ANG PANGINOON ANG AKING PASTOL
WALA ‘KONG DAPAT IKAPANGAMBANG ANUMAN.

N: Magsitayo ang lahat.

Aleluya:
Pista ng Sambayanan

Ang ngayong gawa ng D’yos,
magdiwang tayo ng lubos
purihin ang Manunubos

MABUTING BALITA
P: Sumainyo ang Panginoon.
B: AT SUMAIYO RIN.

P: Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan.
B: PAPURI SA IYO, PANGINOON.

Juan 6:25-35

Nang makita ng tao na wala na si Hesus, sila’y sumakay sa mga bangka at pumunta sa Capernaum upang hanapin si Hesus sa ibayong lawa at kanilang tinanong, “Rabi, kailan pa kayo rito?” Sumagot si Hesus, “sinasabi ko sa inyo: hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa kababalaghang ginawa o nakita ninyo. Kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog. Gumawa kayo, hindi upang magkaroon ng pagkaing nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Ibibigay ito sa inyo ng Anak ng Tao. Sapagkat Siya ang binigyan ng kapangyarihan ng Diyos Ama.” Kaya’t Siya’y tinanong nila: “Ano po ang dapat naming gawin upang aming maganap ang kalooban ng Diyos?”

“ito ang ipinagagawa sa inyo ng Diyos. “Manalig kayo sa isinugo niya”, tugon ni Hesus. “Ano pong kababalaghan ang maipapakita ninyo upang manalig kami sa inyo? Ano po ang gagawin ninyo?” tanong nila. “Ang aming mga magulang ay kumain ng manna sa ilang, ayon sa nasusulat.

Sila’y binigyan Niya ng pagkaing mula sa langit,” dugtong pa nila. Sumagot si Hesus, “Dapat ninyong malamang hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng pagkaing mula sa langit, kundi ang aking Ama. Siya ang nagbibigay sa inyo ng tunay na pagkaing mula sa langit. Sapagkat ang pagkaing bigay ng Diyos ay yaong bumaba mula sa langit at nagbibigay-buhay sa sanlibutan. “Ginoo” wika nila. “Bigyan po ninyo kaming lagi ng pagkaing iyon.”

“Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay” sabi ni Hesus. “Ang lumapit sa akin ay hindi na magugutom at ang nananalig sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

B: PINUPURI KA NAMIN, PANGINOONG HESUKRISTO.

N: Magsiupo ang lahat para sa homiliya.

HOMILIYA

(pagkatapos)

N: Inaanyayahang magsitayo ang lahat ng mga bata.

Atin ngayong masasaksihan ang pagpapanibago ng pangako sa binyag ng ating mga kapatid na sa unang pagkakataon ay tatanggap ng Banal na Komunyon. Sa pagpapanibago ng pangakong ito, muli nating sasariwain ang biyayang tinanggap natin noong tayo’y bininyagan. Tinaggap natin ang buhay ng Diyos, tayo’y naging anak Niya, kaya’t nakiisa tayo sa mga batang ito, sa katahimikan at panalangin.

Ngayon ay sisindihan natin ang inyong mga kandila. Sa liwanag ng kandila, ipinahahayag natin ang liwanag at buhay ni Kristo na nasa atin.

P: Mga bata, noong kayo’y binyagan nangako kayo sa pamamagitan ng inyong mga magulang,  ninong at ninang na ipahahayag ang pananampalataya sa iisang Diyos, sumunod sa kanyang kalooban at itakwil ang masamang gawain. Ngayong araw na ito, kayo’y inaanyayahang sariwain ang mga pangakong ito sa harap ng ating sambayanan.

Nakahanda na ba kayo?

B: OPO, NAKAHANDA NA KAMI.

P: Itinatakwil ba ninyo si Satanas?
B: OPO, ITINATAKWIL NAMIN.

P: Itinatakwil ba ninyo ang kanyang mga gawain?
B: OPO, ITINATAKWIL NAMIN.

P: Itinatakwil ba ninyo ang kanyang pang-aakit?
B: OPO, ITINATAKWIL NAMIN.

P: Sumasampalataya ba kayo sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat na may gawa ng langit at lupa?
B: OPO, SUMASAMPALATAYA KAMI.

P: Sumasampalataya ba kayo kay Hesukristo, iisang Anak ng Diyos, Panginoon natin.
Ipinanganak ni Santa Mariang Birhen, ipinako sa Krus, namatay, muling nabuhay naluluklok sa kanan ng Ama?
B: OPO, SUMASAMPALATAYA KAMI.

P: Nawa’y tulugan kayo ng makapangyarihang Diyos na maging tapat sa inyong pangako magpasawalang-hanggan.
B: AMEN.

(babasbasan ng pari ang mga bata)

Awit sa Pagbabasbas sa mga Bata:
Isang Pananampalataya (Eduardo Hontiveros)

// Isang pananampalataya, isang pagbibinyag
Isang Panginoon, angkinin nating lahat //

Habilin ni Hesus noong Siya'y lumisan
Kayo ay magkatipon sa pagmamahalan. //

Ama, pakinggan mo ang aming panalangin
Dalisay na pag-ibig sa ami'y sumapit. //

Mga alagad Ko, pa'no makikilala?
Tapat nilang pag-ibig, wala nang iba pa. //

Kaya nga, O Ama, sana'y Iyong hawian
Ang aming mga puso ng mga alitan. //

Tigni, Kanyang Dugo sa ati'y iniligwak
Ngayon ay sundan natin Kanyang mga yapak. //

PANALANGING PANGKALAHATAN
Panalangin ng Bayan:
P: Si Hesus na ating kuya at kapatid ay regalo ng Ama sa atin. Nais Niyang idulong natin ang ating mga panalangin at pangangailangan sa Diyos Ama. Sa bawat panalangin ating itutugon: AMANG DIYOS, PAKINGGAN MO KAMI.

Tugon: Amang Diyos, pakinggan mo kami.

1. Upang ang mga namumuno sa simbahan, ang Santo Papa, mga Obispo at mga pari ay pagkalooban lagi ng lakas at karunugan sa pagtupad sa kanilang tungkulin akayin tayo sa maka-Kristiyanong pamumuhay. Manalangin tayo sa Panginoon.

2. Patuloy nawang gampanan ng ating magulang ang kanilang tungkulin na may pag-ibig at kasiyahan at tulungan nawa silang mamuhay ng tapat sa utos ng Diyos. Manalangin tayo sa Panginoon.

3. Biyayaan nawa ng Diyos ang ating mga guro ng katatagan karunungan at lakas upang patuloy nila tayong hubugin na maging mabubuting tao sa kabila ng mga hirap at pagsubok. Manalangin tayo sa Panginoon.

4. Puspusin nawa ni Hesus kaming mga batang tatanggap sa kanya ngayon upang lalo naming pagsumikapang tularan Siya sa pagiging mabait, matulungin at masunuring anak. Manalangin tayo sa Panginoon.

5. Magbunga nawa ang araw na ito sa ating lahat na naririto ng inspirasyon at kaligayahan upang patuloy nating papurihan ang Diyos sa Banal na Misa at paglingkuran Siya sa ating kapwa. Manalangin tayo sa Panginoon.

6. Para sa mga maysakit mga matatanda at mga ulila nawa’y patuloy nilang maramdaman ang pagmamahal at presensiya ng Diyos sa pamamagitan ng mga taong kumakalinga sa kanila. Manalangin tayo sa Panginoon.

P: Aming Ama, batid naming, hindi mo kami pababayaan. Nawa’y ipagkaloob Mo ang aming mga kahilingan at tulungan kaming maging tapat sa Iyong kalooban. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang-hanggan.

B: AMEN.

N: Manatiling nakatayo para sa paghahanda sa pag-aalay.

Awit sa Paghahanda para sa Pag-aalay:
Unang Alay (Rey Magnaye)

// Kunin at tanggapin ang alay na ito
Mga biyayang nagmula sa pagpapala Mo
Tanda ng bawat pusong 'pagkat inibig Mo
Ngayo'y nananalig, nagmamahal sa 'Yo //

Tinapay na nagmula sa butil ng trigo
Pagkaing nagbibigay ng buhay Mo
At alak na nagmula sa isang tangkay na ubas
Inuming nagbibigay lakas. //

Lahat ng mga lungkot, ligaya't pagsubok
Lahat ng lakas at kahinaan ko
Inaalay ko'ng lahat, buong pagkatao
Ito ay isusunod sa 'Yo. //

Ang bayang inibig mo, ngayo'y umaawit
Sa 'Yo ay sumasamba't nananalig
Umaasang diringgin ang bawat dalangin
Sa alay na ito'y nakalakip. //

PAGDIRIWANG NG HULING HAPUNAN:
Paghahain ng Alay
P: Manalangin tayo mga kapatid, upang ang paghahain natin ay kalugdan ng Diyos Amang makapagyarihan.

B: TANGGAPIN NAWA NG PANGINOON ITONG PAGHAHAIN SA IYONG MGA KAMAY, SA KAPURIHAN NIYA AT KARANGALAN, SA ATING KAPAKINABANGAN AT SA BUONG SAMBAYANAN NIYANG BANAL.

PANALANGIN UKOL SA MGA ALAY
P: Ama naming lumikha, ang ipinagdiriwang naming banal na paghahain ay maganap nawa sa ikapapatawad ng mga kasalanan at magpagindapat na kami’y maging katambal sa pag-aalay ng Iyong Anak na aming Tagapamagitan kasama ng Espiritu Santo magpasawalang-hanggan.

(o kaya para sa ika-31 ng Enero, 2026 / Paggunita kay SAN HUAN BOSCO, pari)

P: Ama naming lumikha, dumudulog kami sa iyong kadakilaan upang ang kapangyarihan mong ipinahahayag sa paghahain ng mga alay para gunitain ang mga Banal ay magdulot sa amin ng pakikinabang sa kaloob mong kaligtasan. Sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

B: AMEN.

P: Sumainyo ang Panginoon.
B: AT SUMAIYO RIN.

P: Itaas sa Diyos ang inyong puso at diwa.
B: ITINAAS NA NAMIN SA PANGINOON.

P: Pasalamatan natin ang Panginoong ating Diyos.
B: MARAPAT NA SIYA AY PASALAMATAN.

PREPARASYO
Ama naming makapangyarihan, tunay ngang marapat na ikaw ay aming pasalamatan sa pamamagitan ni Hesukristo na aming Panginoon.

Sa pagpapakasakit ng giliw mong Anak, ang sangkatauha’y minarapat mong magpahayag ng iyong dakilang pag-ibig sa lahat na pawang nais mong tubusin ng Mesiyas. Sa harap ng iyong kadakilaan kapos ang dila naming magsaysay sa pag-ibig na makapangyarihang sa krus ay itinanghal. Sa krus ipinasyang patawarin ang mga tao. Sa krus matagumpay ang ipinangakong Kristo.

Kaya kaisa ng mga anghel na nagsisi-awit ng papuri sa Iyo ng walang humpay sa kalangitan, kami’y nagbubunyi sa Iyong kadakilaan.

Kaya kaisa ng mga anghel na nagsisi-awit ng papuri sa Iyo ng walang humpay sa kalangitan, kami’y nagbubunyi sa Iyong kadakilaan.

Santo:
Gboi Samonte

Santo, Santo, Santo
Panginoong Diyos ng mga hukbo
Napupuno ang langit at lupa
ng kadakilaan mo

Osana, osana, osana sa kaitaasan!

Pinagpala ang naparirito
Sa ngalan ng Panginoon

Osana, osana, osana sa kaitaasan!

N: Magsiluhod ang lahat.

P: Ama naming banal, Ikaw ang bukas ng tanang kabanalan. Kaya't sa pamamagitan ng iyong Espiritu gawin mong banal ang mga kaloob na ito upang para sa ami’y maging katawan at dugo ng aming Panginoong Hesukristo.

Bago Niya pinagtiisang kusang-loob na maging handog, hinawakan Niya ang tinapay, pinasalamatan ka Niya, pinaghati-hati Niya iyon, inabot sa kanyang mga alagad at sinabi: Tanggapin ninyong lahat ito at kanin: Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo.

Gayun din naman, noong matapos ang hapunan, hinawakan Niya ang kalis, muli ka Niyang pinasalamatan, iniabot niya ang kalis sa kanyang mga alagad at sinabi: Tanggapin ninyong lahat ito at inumin: Ito ang kalis ng aking dugo ng bago at walang hanggang tipan ng aking dugo na ibubuhos para sa inyo at para sa lahat sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin.

Ipagbunyi natin ang Misteryo ng pananampalataya.

Pagbubunyi:
Si Kristo ay Namatay (Nez Marcelo)

Si Kristo ay namatay
Si Kristo ay nabuhay
Si Kristo ay babalik
sa wakas ng panahon

P: Ama ginagawa namin ngayon ang pag-alaala sa pagkamatay at muling pagkabuhay ng iyong Anak kaya’t iniaalay namin sa Iyo ang tinapay na nagbibigay buhay at ang kalis na nagkakaloob ng kaligtasan. Kami’y nagpapasalamat dahil kami’y iyong minarapat na tumayo sa harap mo para maglingkod sa Iyo.

Isinasamo naming kami magsalu-salo sa Katawan at Dugo ni Kristo
ay mabuklod sa pagkakaisa sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Ama, lingapin mo ang Iyong Simbahang laganap sa buong daigdig.
Puspusin mo kami sa pag-ibig kaisa ni Santo Papa Leon na aming Santo Papa, si Bartolome na aming obispo at ng lahat ng kaparian. 

Alalahanin mo rin ang mga kapatid naming nahimlay nang may pag-asang sila’y muling mabubuhay gayun din ang lahat ng mga pumanaw. Kaawaan mo sila at patuluyin sa Iyong kaliwanagan. Kaawaan mo at pagindapatin kaming lahat na makasalo sa Iyong buhay na walang wakas.

Kaisa ng Mahal na Birheng Maria na Ina ng Diyos, kaisa ng mga apostol at lahat ng mga banal na namuhay sa daigdig nang kalugod-lugod sa Iyo, maipagdiwang nawa namin ang pagpupuri sa ikararangal mo sa pamamagitan ng Iyong Anak na aming Panginoong Hesukristo.

Sa pamamagitan ni Kristo, kasama Niya at sa kanya ang lahat ng parangal at papuri ay sa Iyo Diyos Amang makapangyarihan, kasama ng Espiritu Santo magpasawalang-hanggan.

Dakilang Amen:
Manoling Francisco (Ang Pista ng Sambayanan)

P: Sa tagubilin ng mga nakagagaling na utos at turo ni Hesus na Panginoon natin at Diyos, ipahayag natin nang lakas loob.

Ama Namin:
Manoling Francisco (Tinapay ng Buhay)

Ama namin, sumasalangit ka
Sambahin ang ngalan mo
Mapasaamin ang kaharian mo
Sundin ang loob mo
Dito sa lupa para nang sa langit

Bigyan mo po kami ngayon
ng aming kakanin sa araw-araw
At patawarin mo kami
Sa aming mga sala
Para nang pagpapatawad namin
Sa nagkakasala sa amin
At huwag mo kaming ipahintulot sa tukso
At iadya mo kami sa lahat ng masama

P: Hinihiling naming kami’y iadya sa lahat ng masama, pagkalooban ng kapayapaan araw-araw, iligtas sa kasalanan at ilayo sa lahat ng kapahamakan, samantalang aming pinanabikan ang dakilang araw ng pagpapahayag ng Tagapaglistas naming si Hesukristo.

Sapagkat (Misa Antonio)

Sapagkat Iyo ang kaharian,
at ang kapangyarihan,
at ang kapurihan,
magpakailanman. Amen!

P: Panginoong Hesukristo, sinabi mo sa iyong mga apostol, “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo.” Tunghayan mo ang aming pananampalataya at huwag ang aming mga pagkakasala.

Pagkalooban mo kami ng kapayapaan at pagkakaisa ayon sa Iyong kalooban kasama ng Espiritu Santo magpasawalang-hanggan.

B: AMEN.

P: Ang kapayapaan ng Panginoon ay laging sumainyo.

B: AT SUMAIYO RIN.

P: Magbigayan kayo ng kapayapaan sa isa’t isa.

Kordero ng Diyos:
Allan Antonio (Misa Antonio)

Kordero ng Diyos na nag-aalis
ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin.

Kordero ng Diyos na nag-aalis
ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin.

Kordero ng Diyos na nag-aalis
ng mga kasalanan ng sanlibutan,
ipagkaloob mo sa amin
ang kapayapaan

N: Magsiluhod ang lahat.

P: Ito ang Kordero ng Diyos. Ito ang nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan. Mapalad ang mga inaanyayahan sa kanyang piging.

B: PANGINOON, HINDI AKO KARAPAT-DAPAT NA MAGPATULOY SA IYO NGUNIT SA ISANG SALITA MO LAMANG AY GAGALING NA AKO.

Awit sa Pakikinabang:
Tinapay ng Buhay (Manoling Francisco)

// Ikaw, Hesus, ang tinapay ng buhay
Binasbasan, hinati't inialay
Buhay na ganap ang sa ami'y kaloob
At pagsasalong walang hanggan //

Basbasan ang buhay naming handog
Nawa'y matulad sa pag-aalay Mo
Buhay na laan nang lubos
Sa mundong sa pag-ibig ay kapos. //

Marapatin sa kapwa maging tinapay
Kagalakan sa nalulumbay
Katarungan sa naaapi
At kanlungan ng bayan Mong sawi. //

// at pagsasalong walang hanggan //

Behold the Lamb (Martin Willett)
The Supper of the Lord (Laurence Rosania)

PANALANGIN NG PASASALAMAT
N: Magsiluhod ang lahat.

Bata 3: Hesus, maraming salamat po sa pagkakataon na kami ay iyong pinasaya. Nagpapasalamat po kami sa iyong pakikiisa sa napakamahalagang araw na ito. Sa pamamagitan ng tinapay at alak na aming pinagsaluhan, kasama ng aming mga magulang at kaibigan. Tulungan mo po kaming mahalin sila sa bawat pakikiisa namin sa iyong banal na Eukaristiya.

B: AMEN.

P: Manalangin tayo. Ama naming mapagmahal, ang aming tinaggap ngayon ay amin nawang mapakinabangan at ang Iyong ipinagkaloob ay magdulot nawa sa amin ng kagalingang magpakailanman.

B: AMEN.

PAGBABASBAS AT PAGHAHAYO
P: Sumainyo ang Panginoon.

B: AT SUMAIYO RIN.

P: Nawa’y ang ating Diyos, na Siyang pinanggalingan ng lahat ng bagay na mabubuti at nagbibigay ng liwanag sa bawat isa ay tulungan kayong matamo na may matatag na pananampalataya ang lahat ng Iyong ipinangako sa Kanya.

B: AMEN.

P: Nawa ang pagpapala at gabay na may kagalakan ni Kristo ay sumainyo sa lahat ng dako na inyong patutunguhan at buong pusong ipamahagi ito sa inyong kapwa upang makamit ang ganap na kasiyahan.

B: AMEN.

P: Nawa’y iligtas kayo ng Ama sa lahat ng kapahamakan ng katawan at kaluluwa. Ang kanyang pag-ibig ay madama ninyong lagi sa inyong pakikitungo at pakikipag sapalaran sa buhay upang maisakatuparan ang misyon na iniatas ni Kristo alang-alang sa kanya, kasama ng Espiritu Santo magpasawalang-hanggan.

B: AMEN.

P: at pagpalain kayo ng makapangyarihang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo.

B: AMEN.

P: Tapos na ang ating pagdiriwang, humayo kayo at maging buhay na saksi ng Ebanghelyo ni Kristo.

B: SALAMAT SA DIYOS!

Pangwakas na Awitin:
Tanda ng Kaharian (Manoling Francisco)

// Humayo na't ipahayag,
kanyang pagkalinga't habag
Isabuhay pag-ibig at katarungan,
tanda ng Kanyang kaharian //

Sa panahong tigang ang lupa,
sa panahong ang ani'y sagana
Sa panahon ng digmaan at kaguluhan,
sa panahon ng kapayapaan. //

Ang mga dakila't dukha,
ang banal at makasalanan
Ang bulag at lumpo, ang api at sugatan,
ang lahat ay inaanyayahan. //

Sa 'ming pagdadalmhati,
sa 'ming pagbibigay puri
Anupamang pagtangis, hapo't pasakit,
ang pangalan Niya'y sinasambit. //

WAKAS!