Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) - Linggo, Pebrero 8, 2026

 

Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Linggo, Pebrero 8, 2026

Isaias 58, 7-10
Salmo 111, 4-5. 6-7. 8a at 9

Sa dilim ay may liwanag
sa tao na nahahabag.

1 Corinto 2, 1-5
Mateo 5, 13-16


Pambungad na Awit:
Pagmamahal sa Panginoon
Eduardo Hontiveros

Koro:
Pagmamahal sa Panginoon
ay simula ng karunungan
Ang Kanyang kapuriha'y
manatili magpakailanman

Berso 1:
Purihin ang Panginoon,
Siya'y ating pasalamatan
Sa pagsasama at pagtitipon
ng Kanyang mga anak

Koro:
Pagmamahal sa Panginoon
ay simula ng karunungan
Ang Kanyang kapuriha'y
manatili magpakailanman

Verse 2:
Dakilang gawain ng D'yos,
karapat-dapat parangalan
Ng tanang mga taong
sumasamba sa Kanya

Koro:
Pagmamahal sa Panginoon
ay simula ng karunungan
Ang Kanyang kapuriha'y
manatili magpakailanman

Koda:
Ang Kanyang kapuriha'y
manatili magpakailanman

GLORIA:
Papuri sa Diyos (Solemne)
Jeffrey Ray Miguel

Papuri sa Diyos sa kaitaasan!
At sa lupa'y kapayapaan
sa mga taong kinalulugdan Niya.

Pinupuri ka namin,
dinarangal ka namin,
sinasamba ka namin,
ipinagbubunyi ka namin,

Pinasasalamatan ka namin
dahil sa dakila Mong angking kapurihan.

Panginoong Diyos, Hari ng langit.
Diyos Amang makapangyarihan sa lahat.
Panginoong Hesukristo, bugtong na Anak.
Panginoong Diyos, Kordero ng Diyos, Anak ng Ama.

Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin.
Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
tanggapin mo ang aming kahilingan.
Ikaw na naluluklok sa kanan ng Ama,
maawa ka sa amin.

Sapagkat Ikaw lamang ang banal.
Ikaw lamang ang Panginoon.
Ikaw lamang, O Hesukristo ang kataas-taasan.
Kasama ng Espiritu Santo
sa kadakilaan ng Diyos Ama.
Amen!

UNANG PAGBASA:
Isaias 58, 7-10

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ito ang ipinasasabi ng Panginoon:

“Ang mga nagugutom ay inyong pakanin,
patuluyin sa inyong tahanan ang walang tirahan.
Yaong mga tao
na halos hubad na ay inyong paramtan,
ang iyong pagtulong
sa mga kasama ay huwag tatalikdan.
At kung magkagayon,
matutulad kayo sa bukang-liwayway.
Hindi maglalao’t
gagaling ang inyong sugat sa katawan,
ako’y laging sasainyo,
ililigtas kayo at iingatan kahit saang lugar.
Sa araw na iyon,
diringgin ng Panginoon ang dalangin ninyo,
pag kayo’y tumawag,
Ako’y tutugon agad.
Kung titigilan ninyo
ang pang-aalipin at pagsuway sa akin,
at ang masamang salita’y iiwasan,
kung ang nagugutom
ay pakakanin ninyo at tutulungan,
ang kadilimang bumabalot sa inyo
ay magiging tila liwanag sa katanghalian.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN:
Salmo 111, 4-5. 6-7. 8a at 9

Sa dilim ay may liwanag
sa tao na nahahabag.

Ang taong matuwid, may bait at habag,
kahit sa madilim taglay ay liwanag.
Ang mapagpautang nagiging mapalad,
kung sa hanapbuhay siya’y laging tapat.

Sa dilim ay may liwanag
sa tao na nahahabag.

Hindi mabibigo ang taong matuwid,
di malilimutan kahit isang saglit.
Anumang balita’y hindi siya takot,
matatag ang puso’t may tiwala sa Diyos.

Sa dilim ay may liwanag
sa tao na nahahabag.

Wala siyang takot hindi nangangamba,
alam na babagsak ang kaaway niya.
Mabait na lubha, lalo sa mahirap,
ang pagiging mat’wid ay di nagwawakas,
buong karangalan siyang itataas.

Sa dilim ay may liwanag
sa tao na nahahabag.

IKALAWANG PAGBASA:
1 Corinto 2, 1-5

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, nang ako’y pumariyan, ipinahayag ko sa inyo ang lihim na panukala ng Diyos, ngunit hindi sa pamamagitan ng malalalim na pananalita o matataas na karunungan. Ipinasiya kong wala akong ipangangaral sa inyo kundi si Hesukristo na ipinako sa krus. Kaya mahina, takot, at nanginginig akong humarap sa inyo. Sa pananalita at pangangaral ko’y hindi ko kayo inakit ng matatamis na pangungusap batay sa karunungan ng tao, kundi sa pamamagitan ng patotoo ng Espiritu at ng kapangyarihan ng Diyos. Kaya’t hindi na karunungan ng tao kundi sa kapangyarihan ng Diyos nababatay ang inyong pananalig kay Kristo.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA:
Juan 8, 12
Misa Antonio

Aleluya! Aleluya!

Sinabi ni Hesukristo:
“Ako ay ilaw ng mundo
at buhay ng alagad ko.”

Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA:
Mateo 5, 13-16

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kayo’y asin sa sanlibutan. Kung mawalan ng alat ang asin, paano pang mapananauli ang alat nito? Wala na itong kabuluhan kaya’t itinatapon na lamang at niyayapakan ng mga tao.

“Kayo’y ilaw sa sanlibutan. Hindi maitatago ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng burol. Walang nagsisindi ng ilaw at naglalagay nito sa ilalim ng takalan. Sa halip ay inilalagay ito sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. Gayun din naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at papurihan ang inyong Amang nasa langit.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

OFFERTORIUM:
Alay ng Sambayanan (Misa ng Pag-asa)
Mimo Perez

Koro:
Tanggapin mo alay ng iyong sambayan
Buhay naming pinuhunan sa pagmamahal
Pagkakaisang aming napagtagumpayan
Pagyamanin mo at basbasan

Berso 1:
Hain namin, tinapay at alak
Narito sa iyong hapag
Tanda ng aming pagmamahalan
'Yan ang alay ng sambayanan

Koro:
Tanggapin mo alay ng iyong sambayan
Buhay naming pinuhunan sa pagmamahal
Pagkakaisang aming napagtagumpayan
Pagyamanin mo at basbasan

Berso 2:
Bawat kapwa ay ibigin
'Yan sa amin 'yong habilin
Tunghayan aming kapatiran
'Yan ang alay ng sambayanan

Koro:
Tanggapin mo alay ng iyong sambayan
Buhay naming pinuhunan sa pagmamahal
Pagkakaisang aming napagtagumpayan
Pagyamanin mo at basbasan

Koda:
Pagyamanin mo at basbasan

SANCTUS:
Santo (Misa Antonio)
Allan Antonio

Santo, Santo, Santo
Panginoong Diyos ng mga hukbo
napupuno ang langit at lupa ng kadakilaan mo
Osana sa kaitaasan!

Pinagpala ang naparirito
sa Ngalan ng Panginoon
Osana, sa kaitaasan!

MYSTERIUM FIDEI:
Aming Ipinahahayag (Misa Antonio)
Allan Antonio

Aming ipinahahayag
na namatay ang Iyong Anak
nabuhay bilang Mesiyas
at magbabalik sa wakas
para mahayag sa lahat!

GRAN AMEN:
Dakilang Amen (Songs for Ordinary)
Arnel Aquino, S.J

PATER NOSTER:
Ama Namin/Sapagkat (Misa Antonio)
Allan Antonio

Ama namin, sumasalangit ka
Sambahin ang ngalan mo
Mapasaamin ang kaharian mo
Sundin ang loob mo
Dito sa lupa para nang sa langit.

Bigyan mo kami ngayon ng aming
kakanin sa araw-araw
at patawarin mo kami
sa aming mga sala.

Para nang pagpapatawad namin
sa nagkakasala sa amin
at huwag mo kaming ipahintulot sa tukso
at iadya mo kami sa lahat ng masama

Sapagkat Iyo ang kaharian,
at ang kapangyarihan,
at ang kapurihan,
magpakailanman. Amen.

AGNUS DEI:
Kordero ng Diyos (Misa Antonio)
Allan Antonio

Kordero ng Diyos na nag-aalis
ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin, maawa ka sa amin.

Kordero ng Diyos na nag-aalis
ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin, maawa ka sa amin.

Kordero ng Diyos na nag-aalis
ng mga kasalanan ng sanlibutan,
ipagkaloob mo sa amin ang kapayapaan.

COMMUNIO:
Liwanag ng Aming Puso
Eduardo Hontiveros

Berso 1:
Liwanag ng aming puso,
sa ami'y manahan ka
Ang init ng 'Yong biyaya,
sa amin ipadama

Patnubay ng mahihirap,
O aming pag-asa't gabay
Sa aming saya at hapis,
tanglaw Kang kaaya-aya

Berso 2:
Liwanag ng kaaliwan,
sa ami'y dumalaw Ka
Kalinga Mo ang takbuhan
noong unang-una pa

Pawiin ang aming pagod,
ang pasani'y pagaanin
Minamahal kong kandungan,
sa hapis kami'y hanguin

Berso 3:
Liwanag ng aming puso,
sa ami'y manahan Ka
Idulot Mo po sa amin:
kapayapaang wagas

Ang 'Yong gantimpala't mana,
pangako Mong kasarinlan
Ang bunga ng pangkandili,
ligaya magpakailanman

Pangwakas na Awitin:
Sama-samang Ipangalat
Manoling Francisco

Koro:
Sama-samang ipangalat
ang pag-ibig ng Panginoon
Sama-samang tamasahin,
kaligtasan ng Panginoon.  

Berso 2:
Magningning nawa sa ating gawa
Tagapaghatid, tagapagdala
Ilaw at gabay sa nawawala
Buhay at lakas sa mga aba.

Koro:
Sama-samang ipangalat
ang pag-ibig ng Panginoon
Sama-samang tamasahin,
kaligtasan ng Panginoon.

WAKAS