Miyerkules sa Ika-4 na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda - Miyerkules, Abril 2, 2025


INTROIT:
HALINA'T LUMAPIT SA DIYOS NG AWA

Koro (2x)
Halina't lumapit sa Diyos ng awa
tayo ay Kanyang hinihintay
na magbalik at magpayakap
at sumalo sa piging na handa

UNANG PAGBASA
Isaias 49, 8-15

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Sabi ng Panginoon sa kanyang bayan:
“Sa araw ng pagliligtas sa iyo
ay lilingapin kita,
at tutugunin ang paghingi mo ng saklolo.
Babantayan kita at iingatan;
sa pamamagitan mo’y
gagawa ako ng tipan sa mga tao,
ibabalik kita sa sariling lupain
na ngayon ay walang kaayusan.
Palalayain ko ang nasa bilangguan
at bibigyan ng liwanag ang nasa kadiliman.
Sila’y matutulad sa mga tupang
nanginginain sa magandang pastulan.
Hindi sila magugutom ni mauuhaw.
Hindi rin daranas
ng matinding init ng sikat ng araw at sa disyerto
sapagkat papatnubayan sila noong isa
na nagmamahal sa kanila.
Sila’y ihahatid niya sa bukal ng tubig.
Gagawa ako ng lansangan sa gitna ng mga bundok
at ako’y maghahanda ng daan,
para siyang daanan ng aking bayan.
Darating ang bayan ko buhat sa malayo,
mula sa hilaga at sa kanluran,
gayun din sa Sevene sa timog.”

Kalangitan umawit ka!
Lupa, ikaw ay magalak,
gayun din ang mga bundok,
pagkat inaaliw ng Panginoon
ang kanyang hinirang,
sa gitna ng hirap ay kinahabagan.
Ang sabi ng mga taga-Jerusalem,
“Pinabayaan na tayo ng Panginoon.
nakalimutan na niya tayo.”
Ang sagot ng Panginoon,
“Malilimot kaya ng ina
ang sarili niyang anak?
Hindi kaya niya mahalin ang sanggol na iniluwal?
Kung mayroon mang inang
lumilimot sa kanyang bunso,
Ako’y hindi lilimot sa inyo
kahit na sandali.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 8-9. 13kd-14. 17-18

Pag-ibig ng D’yos ay ganap,
sa tanan s’ya’y nahahabag.

Ang Panginoong D’yos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag,
banayad magalit, ang pag-ibig niya’y hindi kumukupas.
Siya ay mabuti at kahit kanino’y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya ay mamamalagi.

Pag-ibig ng D’yos ay ganap,
sa tanan s’ya’y nahahabag.

Di ka bibiguin sa mga pangako pagkat ang Diyos ay tapat,
ang kanyang ginawa kahit na ano ito ay mabuting lahat.
Siya’y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin;
yaong inaapi’y inaalis niya sa pagkagupiling.

Pag-ibig ng D’yos ay ganap,
sa tanan s’ya’y nahahabag.

Matuwid ang Diyos sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip doon ang habag at awa.
Siya’y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao
sa sinumang taong pagtawag sa kanya’y tapat at totoo.

Pag-ibig ng D’yos ay ganap,
sa tanan s’ya’y nahahabag.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 11, 25a. 26

"Nagpupuri kami sa'Yo, Panginoong Hesukristo."

(Pasyon)
Pagkabuhay ako’t buhay,
nabubuhay na sinumang
ako’y pinananaligan
ay di mapapanaigan
ng kamatayan kailanman.

"Nagpupuri kami sa'Yo, Panginoong Hesukristo."

MABUTING BALITA
Juan 5, 17-30

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

        Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Judio: “Ang aking Ama’y patuloy sa paggawa, at gayun din ako.” Lalong pinagsikapan ng mga Judio na patayin siya, sapagkat nilabag na niya ang batas tungkol sa Araw ng Pamamahinga ay sinasabi pa niyang ang Diyos ang kanyang Ama, at sa gayo’y ipinapantay ang sarili sa Diyos.

        Kaya’t sinabi sa kanila ni Hesus, “Dapat ninyong malaman na walang ginagawa ang Anak sa kanyang sarili lamang; ang ginagawa lamang niya’y ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak. Sapagkat minamahal ng Ama ang Anak, at ipinakikita sa Anak ang lahat ng ginagawa niya. At higit pa sa mga ito ang mga gawang ipakikita sa kanya ng Ama at manggigilalas kayo. Kung paanong binubuhay ng Ama ang mga patay, gayun din naman, bubuhayin ng Anak ang sinumang nais niyang buhayin. Hindi humahatol kaninuman ang Ama. Ibinigay niya sa Anak ang buong kapangyarihang humatol upang parangalan ng lahat ang Anak, tulad ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Amang nagsugo sa Anak.

        “Sinasabi ko sa inyo: ang nakikinig sa aking salita at nananalig sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan kundi inilipat na sa buhay mula sa kamatayan. Tandaan ninyo: darating ang panahon – ngayon na nga – na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang makinig sa kanya ay mabubuhay. Ang Ama ang may kapangyarihang magbigay-buhay at ang Anak ay binigyan niya ng kapangyarihang magbigay-buhay. Binigyan din siya ng kapangyarihang humatol sapagkat siya ang Anak ng Tao. Huwag ninyo itong pagtakhan, sapagkat darating ang oras na maririnig ng mga patay ang kanyang tinig. Sila’y muling mabubuhay at lalabas sa kinalilibingan nila. Lahat ng gumawa ng mabuti ay pagkakalooban ng buhay na walang hanggan at lahat ng masama ay parurusahan.”

        “Wala akong ginagawa sa sarili ko lamang. Humahatol ako ayon sa sinasabi sa akin ng Ama, kaya’t matuwid ang hatol ko; hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

OFFERTORIUM:
SUMASAMO KAMI SA'YO

1
Sumasamo kami sa 'yo
Marapatin yaring alay
Panginoon tanggapin mo
Itong alak at tinapay

2
Sa 'yo poon aming handog
Buong puso't pag-iisip
Ilayo mo sa panganib
At kupkupin sa pag-ibig

3
Buhay nami'y nakalaan
Sundin ang 'yong kalooban
Lugod naming paglingkuran
Layunin ng kaharian

4
Dinggin ang aming dalangin,
yaring alay ay tanggapin.
Lahat kami'y pagpalain
at kandungin sa 'Yong piling.

SANCTUS:
SANTO (MISA ANTIPONA)

Santo, Santo, Santo
Panginoong Diyos ng mga hukbo
napupuno ang langit at lupa ng kadakilaan mo

Osana sa kaitaasan!

Pinagpala ang naparirito
sa Ngalan ng Panginoon

Osana sa kaitaasan!

PAGGUNITA:
SI KRISTO'Y NAMATAY (PAPAL VISIT 2015)

Si Kristo'y namatay
Si Kristo'y nabuhay
Si Kristo'y babalik
sa wakas ng panahon

GRAN AMEN:
DAKILANG AMEN (MISA PASYON)

A-amen, a-amen, a-amen

PATER NOSTER:
AMA NAMIN (VINTERES)

Ama namin, sumasalangit ka
sambahin ang Ngalan mo
mapasaamin ang kaharian mo
sundin ang loob mo
dito sa lupa
para nang sa langit

Bigyan mo kami ngayon
ng aming kakanin
sa araw-araw
at patawarin mo kami
sa aming mga sala

Para nang pagpapatawad namin
sa nagkakasala sa amin

At huwag mo kaming
ipahintulot sa tukso
at iadya mo kami
sa lahat ng masama

Sapagkat Iyo ang kaharian,
at ang kapangyarihan,
at ang kapurihan,
magpakailanman, amen.

AGNUS DEI:
KORDERO NG DIYOS (MISA ANTONIO)

Kordero ng Diyos na nag-aalis
ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin.

Kordero ng Diyos na nag-aalis
ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin.

Kordero ng Diyos na nag-aalis
ng mga kasalanan ng sanlibutan,
ipagkaloob mo sa amin ang kapayapaan.

COMMUNIO 1:
AMARE ET SERVIRE (TO LOVE AND SERVE)

(4x)
In omnibus amare
In omnibus servire
In omnibus amare et servire Domino
In everything, love and serve the Lord!

COMMUNIO 2:
PRAYER OF RUBERT MAYER

Lord, what You will let it be so
Where You will there we will go
What is Your will help us to know

Lord, when You will the time is right
In You, there's joy in strife
For Your will, I'll give my life

To ease Your burden brings no pain
To forego all for You is gain
As long as I in You remain

Refrain
Because You will it, it is best
Because You will it, we are blest
Till in Your hands, our hearts find rest
Our hearts find rest
Till in Your hands, our hearts find rest

--NO RECESSIO--