Paggunita kay San Francisco Javier, pari - Miyerkules, Disyembre 3, 2025

Paggunita kay San Francisco Javier, pari

Miyerkules, Disyembre 3, 2025

Isaias 25, 6-10a
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6

Lagi akong mananahan
sa bahay ng Poong mahal

Mateo 15, 29-37

INTROIT:
Ang Panginoon ay Darating (Misa Delgado 3)
Lester Delgado

Koro:
Ang Panginoon ay Darating
Ang pag-ibig Niya ay magniningning
Sa harap ng altar, kami'y lumalapit
Umaawit ng masayang papuri

Koda:
Sa harap ng altar, kami'y lumalapit
Umaawit ng masayang papuri

UNANG PAGBASA:
Isaias 25, 6-10a

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Sa araw na iyon:
sa Bundok ng Sion,
aanyayahan ng Panginoon ang lahat ng bansa,
gagawa siya ng isang piging para sa lahat
na ang handa’y masasarap na pagkain at inumin.
Sa bundok ding ito’y papawiin niya ang kalungkutang
naghahari sa lahat ng bansa.
Lubusan na niyang papawiin ang kamatayan,
papahirin ng Panginoon ang luha ng lahat;
aalisin niya sa kahihiyan ang kanyang bayan.
Kung magkagayon, sasabihin ng lahat:
“Siya ang ating Diyos na ating pinagtitiwalaan,
ang inaasahan nating magliligtas sa atin;
magalak tayo at ipagdiwang ang kanyang pagliligtas.”
Iingatan ng Diyos ang bundok na ito.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN:
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6

Lagi akong mananahan
sa bahay ng Poong mahal.

Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.

Lagi akong mananahan
sa bahay ng Poong mahal.

At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landisa’y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika’y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.

Lagi akong mananahan
sa bahay ng Poong mahal.

Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
Nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.

Lagi akong mananahan
sa bahay ng Poong mahal.

Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.

Lagi akong mananahan
sa bahay ng Poong mahal.
ALELUYA:
Misa de la Reina

Aleluya! Aleluya!

Panginoong nagliligtas
sa ati’y darating tiyak
mapalad s'yang makaharap.

Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA:
Mateo 15, 29-37

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, nagbalik si Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. At siya’y umahon sa burol at naupo. Nagdatingan ang napakaraming tao na may dalang mga pilay, bulag, pingkaw, pipi, at marami pang iba. Inilagay nila ang mga maysakit sa harapan ni Hesus at kanyang pinagaling sila. Namangha ang mga tao nang makita nilang nagsasalita na ang mga pipi, gumaling na ang mga pingkaw, nakalalakad na ang mga pilay, at nakakikita na ang mga bulag. At nagpuri sila sa Diyos ng Israel.

Tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad at sinabi, “Nahahabag ako sa mga taong ito, sapagkat tatlong araw na ngayong kasama ko sila at wala na silang makain. Hindi ko ibig na sila’y paalising gutom; baka sila mahilo sa daan.” At sinabi ng mga alagad, “Saan po tayo kukuha rito ng tinapay na makasasapat sa gayong karaming tao?” “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Hesus sa kanila. “Pito po,” sagot nila, “at ilang maliliit na isda.” Ang mga tao’y pinaupo ni Hesus sa lupa. Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpapasalamat sa Diyos. Pagkatapos, pinagpira-piraso niya ang mga iyon at ibinigay sa mga alagad para ipamahagi sa mga tao. Kumain ang lahat at nabusog; at nang tipunin nila ang mga tinapay na lumabis, nakapuno sila ng pitong bakol na malalaki.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

OFFERTORIUM:
Panginoon, Aming Handog
Ferdinand Bautista

Koro:
Panginoon, aming handog ang tinapay at alak,
alay ng bayang umaasa sa pagdating Mo,
gayun din aming hinahanda ang aming puso
upang dito’y manahan ka sa pagdating Mo.

GRAN AMEN:
Dakilang Amen (Misa Delgado 3)
Lester Delgado

Amen, amen, amen

PATER NOSTER:
Ama Namin (Pastorela-Revised)
Eduardo Hontiveros, S.J.

Ama namin, sumasalangit ka
Sambahin ang ngalan mo
Mapasaamin ang kaharian mo
Sundin ang loob mo
Dito sa lupa para nang sa langit.

Bigyan mo kami ngayon ng aming
kakanin sa araw-araw
at patawarin mo kami
sa aming mga sala

Para nang pagpapatawad namin
sa nagkakasala sa amin
at huwag mo kaming ipahintulot sa tukso
at iadya mo kami sa lahat ng masama

COMMUNIO:
Salmo 23
Arnel Aquino, S.J.

Koro:
Ang Panginoon ang aking Pastol
Wala 'kong dapat ikapangambang anuman

Berso 1:
Luntiang pastulan, doon hihimlay
Malinaw na batis, pamatid uhaw
Sa tamang landas ako'y babanaagan
Kay tapat Niya sa akin

Koro:
Ang Panginoon ang aking Pastol
Wala 'kong dapat ikapangambang anuman

Berso 2:
Dilim at panganib, S'ya ang papawi
Bisig Niya'y kapit, tatag ng dibdib
Ang hain Niya nga ang sagana ng buhay
Tahanan ko'y Kanyang pag-ibig

Koro:
Ang Panginoon ang aking Pastol
Wala 'kong dapat ikapangambang anuman

Berso 3:
Dalangin ko lamang, O Panginoon
ay pagkabagabag ng kalooban
Kung piliin ko mang maligaw ang pag-ibig
Tawagin mo at akayin pauwi

Koro:
Ang Panginoon ang aking Pastol
Wala 'kong dapat ikapangambang anuman

Koda:
Ang Panginoon ang aking Pastol
Wala 'kong dapat ikapangambang anuman

RECESSIO:
Humayo at Ibalita
Alejandro Consolacion II

Humayo at ibalita
Ang Diyos ay darating!
Ang dulot Niya ay pag-asang
laging magniningning

Manalig at magtiwala
na ating kakamtin;
Handog Niyang kaligtasan
at sa sala'y tubusin.

WAKAS