Martes sa Unang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda - Martes, Pebrero 24, 2026

    

Martes sa Unang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Martes, Pebrero 24, 2026

Isaias 55, 10-11
Salmo 33, 4-5. 6-7. 16-17. 18-19

Mat’wid ay tinutulungan
sa lahat ng kagipitan.

Mateo 6, 7-15


Pambungad na Awit:
Ngayong Banal na Panahon
Elliot Jerome Eustacio

Antipona: Sa Himig 3
Poon, ikaw ang tahanang
sa ami'y nagsasanggalang
magmula pa nang lumitaw
ang lahi namin at angkan
hanggang ngayo't kailan pa man

Berso 1:
Ngayong banal na panahon
ng pagsisisi sa'ming sala
Apatnapung-araw ng paghahanda
sa'miy magpadalisay nawa

Unang Pagbasa:
Isaias 55, 10-11

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Sinasabi ng Panginoon:
“Ang ulan at niyebe
paglagpak sa lupa’y di na nagbabalik,
aagos na ito sa balat ng lupa’t nagiging pandilig,
kaya may pagkai’t butil na panghasik.
Ganyan din ang aking mga salita,
magaganap nito ang lahat kong nasa.”

Ang Salita ng Diyos.

Salmong Tugunan:
Salmo 33, 4-5. 6-7. 16-17. 18-19

Mat’wid ay tinutulungan
sa lahat ng kagipitan.

Kadakilaan ng Diyos ay ihayag
ang ngalan niya’y purihin ng lahat!
Ang aking dalangi’y dininig ng Diyos,
nawala sa akin ang lahat kong takot.

Mat’wid ay tinutulungan
sa lahat ng kagipitan.

Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
sila’y iniligtas sa hirap at dusa.

Mat’wid ay tinutulungan
sa lahat ng kagipitan.

Kinukupkop ng Diyos ang mga matuwid
at ang taghoy nila’y kanyang dinirinig.
Nililipol niya yaong masasama
hanggang sa mapawi sa isip ng madla.

Mat’wid ay tinutulungan
sa lahat ng kagipitan.

Agad dinirinig daing ng matuwid
inililigtas sila sa mga panganib.
Tumutulong siya sa nasisiphayo
ang walang pag-asa’y hindi binibigo.

Mat’wid ay tinutulungan
sa lahat ng kagipitan.

Awit Pambungad sa Mabuting Balita:
Mateo 4, 4b
Misa Pasyon (Himig 2)

Nagpupuri kami sa'Yo,
Panginoong Hesukristo
Nagpupuri kami sa'Yo,
Panginoong Hesukristo

Ang tao ay nabubuhay
hindi lamang sa tinapay
kundi sa Salitang mahal
mula sa bibig na banal
ng Ama nating Maykapal

Nagpupuri kami sa'Yo,
Panginoong Hesukristo
Nagpupuri kami sa'Yo,
Panginoong Hesukristo

Mabuting Balita:
Mateo 6, 7-15

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sa pananalangin ninyo’y huwag kayong gagamit ng napakaraming salita gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila’y pakikinggan sila ng Diyos dahil sa dami ng kanilang salita. Huwag ninyo silang tutularan. Sapagkat alam na ng inyong Ama ang inyong kinakailangan bago pa ninyo hingin sa kanya. Ganito kayo mananalangin:

‘Ama naming nasa langit,
sambahin nawa ang pangalan mo.
Ikaw nawa ang maghari sa amin,
sundin nawa ang iyong kalooban
dito sa lupa tulad ng sa langit.
Bigyan mo kami ng pagkaing kailangan namin sa araw na ito;
At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,
tulad ng aming pagpapatawad sa mga nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming iharap sa mahigpit na pagsubok,
kundi ilayo mo kami sa Masama!
Sapagkat iyo ang kaharian at ang
kapangyarihan at ang kapurihan,
magpakailanman! Amen.

Sapagkat kung pinatatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit. Ngunit kung hindi ninyo pinatatawad ang mga nagkakasala sa inyo, hindi kayo patatawarin ng inyong Ama.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Awit sa Paghahanda sa Pag-aalay:
Sumasamo Kami
Eduardo Hontiveros

Berso 1:
Sumasamo kami sa 'Yo,
marapatin yaring alay.
Panginoon, tanggapin Mo,
itong alak at tinapay.

Berso 2:
Sa 'Yo, Poon, aming handog:
buong puso't pag-iisip.
Ilayo Mo sa panganib
at kupkupin sa pag-ibig.

Berso 3:
Buhay nami'y nakalaan,
sundin ang 'Yong kalooban.
Lugod naming paglingkuran,
layunin ng Kaharian.

Berso 4:
Dinggin ang aming dalangin,
yaring alay ay tanggapin.
Lahat kami'y pagpalain
at kandungin sa 'Yong piling.

Dakilang Amen:
Dakilang Amen (Misa Pasyon)
Lemuel Asuncion

Ama Namin:
Ama Namin
Ft. Teofilo Vinteres

Ama namin, sumasalangit ka
Sambahin ang ngalan mo
Mapasaamin ang kaharian mo
Sundin ang loob mo
Dito sa lupa para nang sa langit.

Bigyan mo kami ngayon
ng aming kakanin sa araw-araw
at patawarin mo kami
sa aming mga sala.

Para nang pagpapatawad namin
sa nagkakasala sa amin

at huwag mo kaming ipahintulot sa tukso
at iadya mo kami sa lahat ng masama

Awit sa Pakikinabang:
Dunong ng Puso
Noel Jose Labendia

Koro:
Panginoon, sa puso ko'y ituro Mo
Dunong ng puso Mo

Berso 1:
Pusong dalisay, likhain Mo sa'kin
'Sang diwang matatag, sa puso ko'y ihain
Sa piling Mo, sa tuwina ako'y ilapit
Diwa Mong banal, huwag Mong ipagkait

Koro:
Panginoon, sa puso ko'y ituro Mo
Dunong ng puso Mo

Berso 2:
Puso'y gawaran ng kaligtasan
Patibayan sa akin, tapat na kalooban
Landas Mo ay aking ihahayag
May sala sa 'Yo ay mapapanatag

Koro:
Panginoon, sa puso ko'y ituro Mo
Dunong ng puso Mo

Berso 3:
Mag-alay man ako, susunuging handog
Sa 'Yong dambana'y 'di kalugod-lugod
Pusong nagsisisi tanging sapat sa 'Yo
Pusong nagmamahal, pusong laan sa 'Yo

Koro:
Panginoon, sa puso ko'y ituro Mo
Dunong ng puso Mo

Koda:
Dunong ng puso Mo!

Pangwakas na Awitin:
Omitted

WAKAS