Nobena kay San Jose (Parokya ng San Jose - Lungsod ng Olongapo)

DEAR GUARDIAN OF MARY

Dear Guardian of Mary,
Dear guide of her child
Life’s ways are full weary,
the desert is wild
Bleak sands are all ‘round us,
no home can we see
Sweet spouse of our Lady,
we lean upon thee.

For thou to the pilgrim,
are father and guide,
And Jesus and Mary
felt safe at thy side
Ah! Blessed Saint Joseph
how safe should I be
Sweet spouse of our Lady,
if thou wert with me.

N: Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.

B: Amen.

N: Mga kapatid, sa pagtitipon natin sa harap ng imahen ni San Jose, hinihiling natin ang kanyang makapangyarihang pamamagitan. Bilang larawan ng Diyos Ama, ipinapaalala niya sa atin ang dakilang pagmamahal ng ama para sa atin. Di man tayo karapat-dapat na mga anak, nananalangin tayong ihingi niya tayo ng awa, ang awang pinagtagumpayan para sa atin ni Hesus na Tagapagligtas.

B: Mahal naming San Jose, di kami naging tapat sa walang maliw na pag-ibig ng Ama para sa amin. Nagdadalamhati ang aming mga puso dahil sa pagkakasala namin laban sa dakila nyang pagmamahal. Sa pamamagitan ng tagapagligtas na minsa'y kinalinga mo sa iyong mga bisig at ngayo'y niluluwalhati sa piling ng Ama, ihingi mo kami ng awa at kapatawaran nang sa tuwina kami'y magalak sa kanyang pag-ibig at presensya. Amen.

PAGBASA NG MGA PETISYON at PASASALAMAT
(magsiupo ang lahat at banggitin ang mga petisyon at pasasalamat)

PANALANGIN NG NOBENA
(lumuhod ang lahat)

O maluwalhating San Jose ama ni Hesukristo, nananawagan kami sa iyo upang hilingin ang iyong makapangyarihang pamamagitan. Idulog mo para sa amin kay Hesus na bukal ng biyaya at awa, itong aming natatanging kahilingan (banggitin dito ang kahilingan) at lahat ng kinakailangan namin sa aming paglalakbay dito sa lupa.

O butihing San Jose, tulad namin, namuhay ka nang payak at aba. Bagaman kapiling mo ang anak ng Diyos, naging pangkaraniwan ang iyong buhay sapagkat hindi gumawa si Hesus ng mga milagrong walang saysay. Namuhay kang tulad namin, sampu ng mga dalamhati, pagsubok at panganib, datapwat nang may pananampalataya. Bilang isang tunay na anak ni Abraham, namuhay kang may pananalig sa malasakit at pagkalinga ng Ama.

Sa pananampalataya, hinayaan mong ang kalooban ng Diyos ang gumabay sa iyo. Nais naming makibahagi sa iyong pananampalataya. Turuan mo kaming mabatid ang kalooban ng mapagmahal na Ama sa bawat pangyayari sa aming buhay. Tulungan mo kaming manalig na batid ng Ama kung ano ang higit na makabubuti para sa amin. Bigyan mo kami ng lakas na iayon ang aming kalooban sa kanyang kalooban, ang aming mga pangarap sa kanyang pangarap para sa amin. Turuan mo kaming maghintay sa kanyang tugon at tanggapin kung anuman ang kanyang kalooban para sa amin. Ipaalala mo sa aming minsan ay winika ni Hesus na higit kaming mahalaga kaysa mga ibon sa himpapawid at mga liryo sa kabukiran. Hindi kailanman kami pababayaan ng Ama.

Mahal na San Jose, habang nananalangin kami para sa aming mga pangangailangan, gawin mo rin kaming bukas sa mga pangangailangan ng iba. Inilalapit din namin sa iyo ang pangangailangan ng sangkatauhang nagpupunyagi at umaasa. Inilalapit namin sa iyo ang pangangailangan ng mga may karamdaman at nag-aagaw buhay, ng mga naghihirap at inaapi, ng mga nabibigatan dahil sa kanilang mga pasanin sa buhay, at pangangailangan ng simbahan at nang lahat ng gumagalaw para sa ikapagtataguyod ng isang mundong makatao at may pagkakapantay-pantay. Sa paglingap mo sa pangangailangan ng iyong kabiyak na Birheng Maria, lingapin mo rin kami. 

Masid naming nahihinmbing ang Panginoong Hesus sa iyong mga bisig. Nangingimi kaming pukawin siya sa kanyang pamamahinga malapit sa iyong puso. Bulungan mo siya ng matimyas na salita para sa amin, at mapapanatag ang aming kalooban, sapagkat nananalig kaming diringgin niya, siyang puspos ng biyaya, ang iyong mga panalangin sa tuwina. Amen.

PANALANGIN PARA SA MAG-ANAK

O butihing San Jose, matapat na kabiyak ni Maria at mapagmahal na ulo ng Banal na Mag-anak, nananalangin kami para sa lahat ng mag-anak. Pagpalain mo ang lahat ng mga asawang lalaki at ama. Samahan nawa ng tiwala sa kanilang kabiyak ang kanilang katapatan at pag-ibig. Mahalin at igalang nawa nila ang kanilang kabiyak tulad ng paggalang at pagmamahal ni Kristo sa kanyang kabiyak, ang Simbahan. Pagpalain mo rin ang lahat ng mga asawang babae at ina.

Maging mapagkalinga nawa sila sa kanilang tahanan at tapat sa kanilang asawa. Bigkisin mo ang lahat ng magkabiyak sa pagmamahal na tulad ng pagmamahal na nagbigkis sa iyo sa Mahal na Ina. Minahal mo siya nang lubos sa pag-ibig na di kayang lupigin ng anumang pagsubok at kahirapan. Maging tapat at matibay nawa ang pagmamahalan ng mga mag-asawa bilang larawan ng walang maliw na pagmamahal ni Hesus sa kanyang Simbahan.

Tulungan mo silang magkatuwang na lumikha ng isang tahanan. Dumaloy nawa sa kanilang mga anak ang kanilang pagmamahalan. Tinanggap mo ang batang si Hesus bilang handog ng Ama. Tulungan mo kaming magpasalamat lagi sa mahalagang biyaya ng mga bata. Huwag mong itulot na maging maramot kami sa pagsasalin ng buhay. Huwag mong itulot na ipagkait ng kahirapan ang tuwang dulot ng bawat pagsilang ng isang sanggol sa aming mga mag-anak.

Sa pagmamalasakit mo sa kapakanan ni Hesus, batid mong ikaw ay isa lamang larawan niya, ang pinakamapagmahal sa lahat ng ama.

Tulungan mong isalamin ng mga magulang ang pag-ibig at pagmamalasakit ng ama sa kanilang mga anak. Tulungan mo silang maging bukas-palad sa pagbibigay ng kanilang panahon. Nananalig kaming ang umiiral na pag-iibigan at pagmamalasakitan sa aming mga tahanan ang magbibigay ng kakayahan sa aming mga anak upang kilalanin at mahalin ang Diyos na Amang nasa Langit.

O abang larawan ng Ama, nadarama ang iyong tahimik na presensiya sa iyong mag-anak. Puspusin nawa ng iyong tahimik na presensiya ang aming mga tahanan. Pagpanibaguhin nawa ng iyong presensiya ang aming mga mag-anak tungo sa pagiging mga mumunting piraso ng langit kung saan nananahan ang Diyos sa pag-ibig at pagkakaisa. Gabayan nawa ng iyong presensiya ang aming mga mag-anak sa pagsamba sa Ama sa langit, sapagkat sa kanya nararapat ang lahat pagpupuri at pasasalamat na maaari naming ialay dahil sa kanyang kabutihan. Amen.

MGA PETISYON KAY SAN JOSE

*Ipanalangin Mo kami
San Jose,
Matapat na kabiyak ni Maria,
Mapagmahal na Ama ni Hesus,
Ulo ng Banal na Mag-anak,
Tagapagtanggol ng Simbahan,
Huwaran ng mga manggagawa,
Ginhawa ng mga nag-aagaw buhay,

- Na maipagtanggol ang Simbahan laban sa anumang lihis sa mga turong Mabuting Balita ni Hesus, San Jose, ipanalangin mo kami

- Na maging matatag ang Simbahan sa pagsulong niya ng mga karapatang pantao, lalo na ng mga di pa ipinapanganak, mga mahihirap at inaapi, San Jose, ipanalangin mo kami

- Na hubugin namin ang mundo sang-ayon sa mga makatwirang pamantayan ng Ebanghelyo, San Jose, ipanalangin mo kami

- Na mamuhay sa pag-ibig, pagkakaisa at katapatan ang mga mag-asawa, San Jose, ipanalangin mo kami

- Na maging tapat na larawan ng pagkalinga ng mapagpalang Ama ang bawat magulang, San Jose, ipanalangin mo kami

- Na mapangalagaan ng mga kabataan ang kanilang puri at dangal, San Jose, ipanalangin mo kami

- Na mamuhay kami nang may kababaang-loob at kapayapaan, San Jose, ipanalangin mo kami

- Na mapangalagaan namin ang aming dangal sa sandaling kagipitan, San Jose, ipanalangin mo kami

- Na manatili kaming marangal at mapagtimpi sa kabila ng paghihikahos, San Jose, ipanalangin mo kami

- Na maging buo ang aming loob at pag-asa sa patnubay at lakas dulot ng Ama sa panahon ng pagsubok. San Jose, ipanalangin mo kami

- Na lagi kaming manalig at magpasalamat sa mapagpalang Ama na siyang pumupuspos sa amin ng biyaya, San Jose, ipanalangin mo kami

- Na mamuhay kami sa kamalayang lahat ng biyaya sa mundong ito ay ipinagkaloob sa amin upang pagbahaginan ng lahat, San Jose, ipanalangin mo kami

- Na ikarangal namin ang aming mga gawa at mamuhay kami sa malinis na paraan, San Jose, ipanalangin mo kami

- Na magbigay-puri sa Diyos ang aming mga kakayahan at magdulot ito ng pagpapala para sa lahat, San Jose, ipanalangin mo kami

- Na makapiling ka namin sa sandali ng aming pagpanaw upang maging aming ginhawa at pag-asa, San Jose, ipanalangin mo kami

Manalangin tayo.

Alalahanin mo kami, O pinagpalang San Jose at tulungang ilapit sa iyong Anak. Nawa'y pagpalain din kami ng iyong Pinagpalang Birheng Kabiyak, ang Ina ni Hesus kasama ng Ama at ng Espiritu Santong namumuhay at naghahari magpakailanman magpasawalang hanggan. Amen.

LITANYA NI SAN JOSE

Panginoon, maawa ka sa amin
Panginoon, maawa ka sa amin

Kristo, maawa ka sa amin
Kristo, maawa ka sa amin

Panginoon, maawa ka sa amin
Panginoon, maawa ka sa amin

Kristo, pakinggan mo kami
Kristo, pakinggan mo kami

Kristo, pakapakinggan mo kami
Kristo, pakapakinggan mo kami

*Kaawaan Mo Kami
Diyos Ama sa Langit, *
Diyos Anak, tagapagligtas ng Sanlibutan, *
Diyos Espiritu Santo, *
Banal na Santatlo, Tatlong Persona sa iisang Diyos, *

*Ipanalangin Mo Kami
Santa Maria, *
San Jose, *
Tanyag na Anak ni David, *
Ilaw ng mga Patriarka, *
Kabiyak ng Ina ng Diyos, *
Dalisay na Tagapagtanggol ng Birhen, *
Ama ng Anak ng Diyos, *
Masipag na Tagapagtanggol ni Kristo, *
Ulo ng Banal na Mag-anak, *
Joseng Lubos na Makatwiran, *
Joseng Lubos na Mahinahon, *
Joseng Lubos na Matatag, *
Joseng Lubos na Masunurin, *
Joseng Lubos na Matapat, *
Joseng Lubos na Malinis, *
Mapagmahal sa Karalitaan, *
Luwalhati ng Mabuting Tahanan, *
Tagapagtanggol ng mga Birhen, *
Haligi ng mga Mag-anak, *
Ginhawa ng mga Sawimpalad, *
Pag-asa ng mga may karamdaman, *
Salamin ng Tiyaga, *

Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
Patawarin mo kami, O Panginoon.

Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
Pakadinggin mo kami, O Panginoon.

Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
Kaawaan Mo kami.

N: Ginawa Niya siyang Panginoon ng kanyang
sambahayan.

B: At prinsipe ng lahat niyang nasasakupan.

Manalangin tayo.

O Diyos, sa lyong kagandahang-loob, minarapat Mong maging kabiyak si San Jose ang mahal Mong Ina. Amin nawa siyang maging tagapamagitan sa langit, siya na pinagpipitagan namin bilang taga-pagtanggol sa lupa. Hinihiling namin ito sa lyo, Ikaw na nabubuhay at naghahari kasama ng Diyos Ama, kaisa ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan. Amen.

PAGSAMO KAY SAN JOSE

ika-1 taludtod:
O San Jose, ikaw ang tunay na huwaran
Ng pag-ibig, katapatan at kabanalan
O San Jose, sa iyo'y nananalangin
Ang samo namin sa iyo nawa'y dinggin

Koro:
Akayin mo kami, ang bayan mong nangangarap
Gabayan mo po ang aming pagsisikap
Upang kaming lahat maging karapat-dapat
Kay Hesus, 'yong sinisintang anak

Koda:
Kay Hesus, 'yong sinisintang anak.

N: Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.

B: Amen.

--WAKAS--