Miyerkules ng Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I) - Miyerkules, Setyembre 17, 2025

   
INTROIT:
PURIHIN ANG PANGINOON
by Fr. Fruto Ll. Ramirez SJ from Mga Awitin sa Misang Pilipino

Koro:
Purihin ang Panginoon,
umawit ng kagalakan
At tugtugin ang gitara
at ang kaaya-ayang lira
Hipan ninyo ang trumpeta

Berso 1:
Sa ating pagkabagabag,
sa Diyos tayo'y tumawag
Sa ating mga kaaway,
tayo ay Kanyang iniligtas

Koro:
Purihin ang Panginoon,
umawit ng kagalakan
At tugtugin ang gitara
at ang kaaya-ayang lira
Hipan ninyo ang trumpeta

UNANG PAGBASA:
1 Timoteo 3, 14-16

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo

Pinakamamahal, malaki ang pag-asa kong magkikita tayo sa lalong madaling panahon. Gayunma’y sinulat ko rin ang mga tagubiling ito upang hindi man ako makarating agad ay malaman mo rin ang dapat ugaliin sa sambahayan ng buhay na Diyos, sa simbahan na siyang haligi at saligan ng katotohonan. Napakahiwaga ng mga katotohanan ng ating relihiyon:
Siya’y nahayag nang maging tao,
at pinatotohanan ng Espiritu,
nakita ng mga anghel.
Ipinangaral sa sanlibutan,
pinaniwalaan ng lahat,
at sa langit ay tinanggap.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN:
Salmo 110, 1-2. 3-4. 5-6

Gawa’y napakadakila
ng Panginoong Lumikha.

Buong puso siyang pasasalamatan,
aking pupurihin sa gitna ng bayan
kasama ng mga lingkod na hinirang.
Napakadakila ang gawa ng Diyos,
pinananabikan ng lahat ng lingkod.

Gawa’y napakadakila
ng Panginoong Lumikha.

Lahat niyang gawa’y dakila at wagas,
bukod sa matuwid hindi magwawakas.
Hindi inaalis sa ating gunita,
na siya’y mabuti’t mahabaging lubha.

Gawa’y napakadakila
ng Panginoong Lumikha.

Sa may pagkatakot pagkai’y sagana;
pangako ng Poon ay hindi nasisira.
Ipinadama n’ya sa mga hinirang,
ang kapangyarihan niyang tinataglay,
nang ibigay niya lupa ng dayuhan.

Gawa’y napakadakila
ng Panginoong Lumikha.

ALELUYA:
Juan 6, 63k. 68k; Chant Mass

Aleluya! Aleluya!
Espiritung bumubuhay
ang Salita mo, Maykapal,
buhay mo ang tinataglay.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA:
Lucas 7, 31-35

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ng Panginoon, “Sa ano ko nga ihahambing ang mga tao ngayon? At ano ang nakakatulad nila? Katulad sila ng mga batang nakaupo sa plasa at sumisigaw sa kanilang mga kalaro:

‘Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw!
Nanambitan kami, ngunit hindi kayo tumangis!

Sapagkat naparito si Juan Bautista na nag-aayuno at hindi umiinom ng alak, at sinasabi ninyo, ‘Inaalihan siya ng demonyo.’ Naparito naman ang Anak ng Tao, na kumakain at umiinom tulad ng iba, at sinasabi ninyo, ‘Masdan ninyo ang taong ito! Matakaw at maglalasing, kaibigan ng mga publikano at ng mga makasalanan!’ Gayunman, ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang matuwid sa pamamagitan ng kanyang mga anak.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

OFFERTORIUM:
PAGGUGUNITA
by Nez Marcelo from The Fifth Gospel, Book 3

Berso 1:
Narito, Panginoon
mga alay naming taglay
Nawa ito'y karapat-dapat
sa kabanalanan mo

Berso 2:
Tanggapin mo, Panginoon
mga gawa ng aming kamay
Ang bunga ng pag-ibig mo
Dugo at katawan

Koro
Kapuri-puri ka, O Diyos
na lumikha sa'ming lubos
Mula sa kabutihan mo
ang alak at tinapay
ngayo'y aming alay

Dahil sa pag-ibig mo
kami ngayon ay narito
Buklod-buklod nawa kaming
maglingkod sa Iyo

SANCTUS:
SANTO
by Allan Antonio from Misa Antonio

Santo, Santo, Santo
Panginoong Diyos ng mga hukbo
napupuno ang langit at lupa ng kadakilaan mo

Osana sa kaitaasan!

Pinagpala ang naparirito
sa Ngalan ng Panginoon

Osana sa kaitaasan!

MYSTERIUM FIDEI:
AMING IPINAHAHAYAG
by Allan Antonio from Misa Antonio

Aming ipinahahayag
na namatay ang 'yong Anak
nabuhay bilang Mesiyas
at magbabalik sa wakas
para mahayag sa lahat!

GRAN AMEN:
GREAT AMEN
by Arnel dC Aquino, S.J.

Amen, amen, amen
Amen, amen, amen

PATER NOSTER:
AMA NAMIN/SAPAGKAT
by Allan Antonio from Misa Antonio

Ama namin, sumasalangit ka
Sambahin ang Ngalan mo
Mapasaamin ang kaharian mo
Sundin ang loob mo
Dito sa lupa para nang sa langit

Bigyan mo kami ngayon ng aming
kakanin sa araw-araw
at patawarin mo kami
sa aming mga sala

Para nang pagpapatawad namin
sa nagkakasala sa amin
at huwag mo kaming ipahintulot sa tukso
at iadya mo kami sa lahat ng masama

Sapagkat Iyo ang kaharian,
at ang kapangyarihan,
at ang kapurihan,
magpakailanman, amen.

AGNUS DEI:
KORDERO NG DIYOS
by Allan Antonio from Misa Antonio

Kordero ng Diyos na nag-aalis
ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin.

Kordero ng Diyos na nag-aalis
ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin.

Kordero ng Diyos na nag-aalis
ng mga kasalanan ng sanlibutan,
ipagkaloob mo sa amin ang kapayapaan.

COMMUNIO:
PANALANGIN SA PAGIGING BUKAS PALAD
by Manoling Francisco, S.J. from Bukas Palad 1986

Panginoon, turuan Mo ako maging bukas-palad
Turuan Mo akong maglingkod sa Iyo
Na magbigay nang ayon sa nararapat
Na walang hinihintay mula sa 'Yo

Nang makibakang di inaalintana
Mga hirap na dinaranas
Sa tuwina'y magsumikap na hindi humahanap
Ng kapalit na kaginhawaan
Na 'di naghihintay kundi ang aking mabatid
Na ang loob Mo'y siyang sinusundan

Panginoon, turuan Mo ako maging bukas-palad
Turuan Mo akong maglingkod sa Iyo
Na magbigay nang ayon sa nararapat
Na walang hinihintay mula sa 'Yo


RECESSIO:
SAMA-SAMANG IPANGALAT
by Manoling Francisco, S.J. from Ang Pista ng Sambayanan

Koro:
Sama-samang ipangalat
ang pag-ibig ng Panginoon
Sama-samang tamasahin,
kaligtasan ng Panginoon.

Berso 1:
Tunay ang saya, tunay ang galak
Dulot ng Poon, awa at habag
Ating tinanggap Kanyang salita
ating tinanggap, Katawang Banal.

Koro:
Sama-samang ipangalat
ang pag-ibig ng Panginoon
Sama-samang tamasahin,
kaligtasan ng Panginoon.

==WAKAS==