Ika-4 na Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (A)
Isaias 7, 10-14
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Ang Panginoo’y darating,
s’ya’y dakilang Hari natin.
Roma 1, 1-7
Mateo 1, 18-24
INTROIT: Ang Panginoon ay Darating
Lester Delgado
// Ang Panginoon ay darating
Ang pag-ibig Niya ay magniningning
Sa harap ng altar kami'y lumalapit
Umaawit ng masayang papuri
1 Buksan ang kandila ng buhay
Ang liwanag sa paghihintay
Sa pagdating ni Hesus nawa'y pagpalain
Ito ang aming dalangin
// Ang Panginoon ay darating
Ang pag-ibig Niya ay magniningning
Sa harap ng altar kami'y lumalapit
Umaawit ng masayang papuri
KYRIE: Panginoon, Kaawaan Mo Kami (Isang Himig)
Elliot Jerome Eustacio
P Panginoon, kaawaan Mo kami.
K Panginoon, kaawaan Mo kami.
P Kristo, kaawaan Mo kami.
K Kristo, kaawaan Mo kami.
P Panginoon, kaawaan Mo kami.
K Panginoon, kaawaan Mo kami.
GLORIA: Papuri sa Diyos (Maramba)
B. Maramba
Gloria, Gloria in excelsis Deo!
Gloria, Gloria in excelsis Deo!
At sa lupa'y kapayapaan
sa mga taong kinalulugdan Niya.
Pinupuri Ka namin,
Dinarangal Ka namin,
Sinasamba Ka namin,
Ipinagbubunyi Ka namin,
Pinasasalamatan Ka namin,
dahil sa dakila Mong angking kapurihan.
Panginoong Diyos, Hari ng langit,
Diyos Amang Makapangyarihan sa lahat.
Gloria, Gloria in excelsis Deo!
Gloria, Gloria in excelsis Deo!
Panginoong Diyos, Hesukristo, bugtong na anak.
Panginoong Diyos, Kordero ng Diyos, Anak ng Ama.
Gloria, Gloria in excelsis Deo!
Gloria, Gloria in excelsis Deo!
Ikaw ang nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa Ka, maawa ka sa amin.
Ikaw ang nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
tanggapin Mo, tanggapin mo ang aming kahilingan.
Ikaw na naluluklok sa kanan ng Ama,
maawa Ka, maawa ka sa amin.
Gloria, Gloria in excelsis Deo!
Gloria, Gloria in excelsis Deo!
Sapagkat Ikaw lamang ang banal,
Ikaw lamang ang Panginoon
Ikaw lamang, O, Hesukristo, ang kataas-taasan.
Kasama ng Espiritu Santo
sa kadakilaan ng Diyos Ama, Amen!
Gloria, Gloria in excelsis Deo!
Gloria, Gloria in excelsis Deo!
UNANG PAGBASA: Isaias 7, 10-14
Pabasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Noong mga araw na iyon, ipinasabi ng Panginoon kay Acaz: “Humingi ka sa akin ng palatandaan, maging sa kalaliman ng kinaroroonan ng mga yumao o sa kaitaasan ng langit.” Sumagot si Acaz: “Hindi po ako hihingi. Hindi ko susubukin ang Panginoon.”
Sinabi ni Isaias:
“Pakinggan mo, sambahayan ni David,
kulang pa ba ang galitin ninyo ang mga tao
na pati ang aking Diyos ay inyong niyayamot?
Kaya nga’t ang Panginoon na rin ang magbibigay ng palatandaan:
Maglilihi ang isang dalaga
at manganganak ng lalaki
at ito’y tatawaging Emmanuel.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMO RES.: Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Ferdz Bautista
S: Fiona
T Ang Panginoo’y darating,
s’ya’y dakilang Hari natin.
1 Ang buong daigdig, lahat ng naroon,
may-ari’y ang Diyos, ating Panginoon;
ang mundo’y natayo at yaong sandiga’y
ilalim ng lupa, tubig kalaliman.
T Ang Panginoo’y darating,
s’ya’y dakilang Hari natin.
2 Sino ang marapat umahon sa burol,
sa burol ng Poon, sino ngang aahon?
Sino’ng papayagang pumasok sa templo,
Sino’ng tutulutang pumasok na tao?
Siya, na malinis ang isip at buhay,
na hindi sumamba sa diyus-diyusan;
tapat sa pangako na binibitiwan.
T Ang Panginoo’y darating,
s’ya’y dakilang Hari natin.
3 Ang Panginoong Diyos, pagpapalain siya,
ililigtas siya’t pawawalang-sala.
Gayon ang sinumang lumalapit sa Diyos
silang lumalapit sa Diyos ni Jacob.
T Ang Panginoo’y darating,
s’ya’y dakilang Hari natin.
IKALAWANG PAGBASA: Roma 1, 1-7
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mula kay Pablo na alipin ni Kristo Hesus, tinawag upang maging apostol at hinirang upang mangaral ng Mabuting Balita ng Diyos. Sa inyong lahat na minamahal ng Diyos na nangariyan sa Roma, na tinawag upang maging mga banal:
Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesukristo.
Ang Mabuting Balitang ito, na ipinangako niya noon pang una sa pamamagitan ng mga propeta at nasasaad sa mga banal na kasulatan, ay tungkol sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Hesukristo. Sa kanyang pagiging tao, siya’y ipinanganak mula sa lipi ni David, at sa likas na kabanalan ng kanyang espiritu, ipinahayag siyang Anak ng Diyos sa pamamagitan ng makapangyarihang gawa – ang kanyang muling pagkabuhay. Sa pamamagitan niya, tinanggap namin sa Diyos ang kaloob na maging apostol upang ang lahat ng bansa ay akayin sa pananampalataya at pagsunod sa kanya. Kabilang din kayo sa mga tinawag na maging tagasunod ni Hesukristo.
Ang Salita ng Diyos.
ALLELUIA: Aleluya (Misa de la Reina)
Elliot Jerome Eustacio
B Maglilihi ang dalaga
lalaking isisilang n’ya’y
Emmanuel na Poong sinta.
MABUTING BALITA: Mateo 1, 18-24
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao. Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasiya niyang hiwalayan ito nang lihim. Samantalang iniisip ni Jose ito, napakita sa kanya sa isang panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya’y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito’y pangangalanan mong Hesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta:
“Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng isang lalaki,
at tatawagin itong Emmanuel”
ang kahuluga’y “Kasama natin ang Diyos”.
Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon; pinakasalan niya si Maria.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN: O Diyos, halina sa aming piling.
OFFERTORIUM: Alay Namin
Nez Marcelo
// Alay namin sa Iyong pagdating
Kabutihan, pag-asa’t mga pusong tapat
Samo namin ay Iyong dinggin
Galak at kapayapaan nawa ay kamtin
1 Itong alak at tinapay, mga bungang alay
Halo ng pawis at biyaya ng langit
Sa aming pag-ibig sa kapwa kapatid
Bubunga ng buhay na Iyong bigay
// Alay namin sa Iyong pagdating
Kabutihan, pag-asa’t mga pusong tapat
Samo namin ay Iyong dinggin
Galak at kapayapaan nawa ay kamtin
SANCTUS: Santo (Misa Pastorela)
Eduardo Hontiveros
Santo, Santo, Santo
Panginoong Diyos ng mga hukbo
Napupuno ang langit at lupa ng kadakilaan mo
Osana, osana sa kaitaasan!
Osana, osana sa kaitaasan!
Pinagpala ang naparirito
sa Ngalan ng Panginoon
Osana, osana sa kaitaasan!
Osana, osana sa kaitaasan!
MYSTERIUM FIDEI: Si Kristo ay Gunitain
Manoling Francisco
Si Kristo ay gunitain
sarili ay inihain
bilang pagkai't inumin
pinagsasaluhan natin
Hanggang sa Siya'y dumating
Hanggang sa Siya'y dumating
GRAN AMEN: Dakilang Amen (Misa Delgado Book 3)
Lester Delgado
Amen, Amen, Amen
PATER NOSTER: Ama Namin (Misang Pastorela)
Eduardo Hontiveros, S.J. - Ama Namin
Paul Morales - Sapagkat
Ama namin, sumasalangit ka
Sambahin ang ngalan mo
Mapasaamin ang kaharian mo
Sundin ang loob mo
Dito sa lupa para nang sa langit.
Bigyan mo kami ngayon ng aming
kakanin sa araw-araw
at patawarin mo kami
sa aming mga sala
Para nang pagpapatawad namin
sa nagkakasala sa amin
at huwag mo kaming ipahintulot sa tukso
at iadya mo kami sa lahat ng masama
(Sa Iyong Tahanan)
Sapagkat Iyo ang kaharian,
at ang kapangyarihan,
at ang kapurihan,
magpakailanman!
AGNUS DEI: Kordero ng Diyos (O, Bayan ng Diyos!)
Arnel Aquino, S.J.
Kordero ng Diyos na nag-aalis
ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin, maawa ka sa amin.
Kordero ng Diyos na nag-aalis
ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin, maawa ka sa amin.
Kordero ng Diyos na nag-aalis
ng mga kasalanan ng sanlibutan,
ipagkaloob mo sa amin ang kapayapaan.
COMMUNIO: Panginoon, Hanggang Kailan?
Danny Isidro, S.J.
Fruto Ramirez, S.J.
// Panginoon, hanggang kailan kami sa Iyo'y maghihintay?
Halika na, magbalik Ka! Pangako Mo'y tudin Mo na.
1 Sa sandali ng kasayahan, panahon ng kasaganahan,
Ika'y pinasasalamatan, biyayang dulot Mo'y walang hanggan.
// Panginoon, hanggang kailan kami sa Iyo'y maghihintay?
Halika na, magbalik Ka! Pangako Mo'y tudin Mo na.
2 Sa sandali ng kasawian, panahon ng kahirapan,
Ika'y aming tinatawagan, Poon, kami'y h'wag Mong pabayaan.
// Panginoon, hanggang kailan kami sa Iyo'y maghihintay?
Halika na, magbalik Ka! Pangako Mo'y tudin Mo na.
RECESSIO: Ang Puso Ko'y Nagpupuri
Eduardo Hontiveros, S.J.
// Ang puso ko'y nagpupuri
Nagpupuri sa Panginoon
Nagagalak ang aking Espiritu
Sa 'king tagapagligtas
1 Sapagkat nilingap Niya
Kababaan ng Kaniyang alipin
Mapalad ang pangalan ko
Sa lahat ng mga bansa
// Ang puso ko'y nagpupuri
Nagpupuri sa Panginoon
Nagagalak ang aking Espiritu
Sa 'king tagapagligtas
WAKAS!