Miyerkules ng Unang Linggo sa Karaniwang Panahon (II) - Miyerkules, Enero 14, 2026


Miyerkules ng Unang Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

1 Samuel 3, 1-10. 19-20
Salmo 39, 2 at 5. 7-8a. 8b-9. 10

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Marcos 1, 29-39


INTROIT:
Purihin Natin ang Diyos
from: Misa ng Pag-asa
Mimo Perez; Elliot Jerome Eustacio

Koro:
Purihin natin ang Diyos!
Purihin natin ang Diyos!
Kabutihan Niya ay hindi masusukat
Kaya't magbunyi ang lahat

Pag-ibig Niya ay wagas
Pag-asa natin at lakas
Pagpapala Niya ay laging bumubuhos
Purihin natin ang Diyos!

UNANG PAGBASA:
1 Samuel 3, 1-10. 19-20

Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel

Noong mga araw na iyon, si Samuel ay patuloy na naglilingkod sa Panginoon. Nang panahong yaon, bihira nang marinig ang tinig ng Panginoon at bihira na rin ang mga pangitain. Malabo na noon ang mata ni Eli. Minsan, namamahinga siya sa kanyang higaan. Si Samuel nama’y natutulog sa Templo, sa may Kaban ng Tipan. Nang magmamadaling-araw na, siya’y tinawag ng Panginoon, “Samuel, Samuel!”

“Po,” sagot niya. Patakbo siyang lumapit kay Eli at sinabi, “Bakit po?”

Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag. Mahiga ka na uli.” Nagbalik nga siya sa kanyang higaan.

Tinawag siya uli ng Panginoon. Bumangon siya, lumapit kay Eli at itinanong, “Tinatawag po ba ninyo ako?”

Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag, anak. Mahiga ka na uli.” Hindi pa kilala ni Samuel ang Panginoon sapagkat hindi pa siya kinakausap nito.

Sa ikatlong beses na tawagin siya, lumapit uli siya kay Eli at sinabi, “Narinig ko pong tinatawag ninyo ako.”

Naisip ni Eli na ang Panginoon ang tumatawag kay Samuel, kaya sinabi niya, “Sige, mahiga ka uli. Kapag narinig mo pang tinawag ka, ganito ang sabihin mo: ‘Magsalita po kayo, Panginoon. Nakikinig po ang inyong lingkod.’” At muling nahiga si Samuel. Ang Panginoon ay lumapit kay Samuel at tinawag ito.

Sumagot si Samuel, “Magsalita po kayo, nakikinig ang inyong lingkod.”

Habang lumalaki si Samuel, patuloy siyang pinapatnubayan ng Panginoon, at nagkakatotoo ang lahat ng sinasabi niya. Dahil dito, kinilala ng buong Israel, mula sa Dan hanggang sa Beerseba, na si Samuel ay isang tunay na propeta ng Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN:
Salmo 39, 2 at 5. 7-8a. 8b-9. 10

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Ako ay naghintay sa ‘king Panginoon,
at dininig niya ang aking pagtaghoy.
Mapalad ang taong may tiwala sa Diyos
at sa diyus-diyosa’y hindi dumudulog;
hindi sumasama sa nananambahan,
sa mga nagkalat na diyus-diyosan.

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Ang mga panghandog, pati mga hain,
at mga hayop na handang sunugin
Hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
upang yaong sala’y iyong patawarin;
sa halip, ang iyong kaloob sa akin
ay ang pandinig ko upang ika’y dinggin.

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Kaya ang tugon ko, “Ako’y naririto;
nasa Kautusan ang mga turo mo.
Ang nais kong sundi’y iyong kalooban;
aking itatago sa puso ang aral.”

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Ang pagliligtas mo’y aking inihayag
saanman magtipon ang ‘yong mga anak;
di ako titigil ng pagpapahayag.

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

ALELUYA:
from Misa Antonio
Juan 10, 27

Aleluya! Aleluya!

Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan
ako’y kanilang susundan.

Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA:
Marcos 1, 29-39

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, mula sa sinagoga, si Hesus ay nagtuloy sa bahay nina Simon at Andres. Kasama niya sina Santiago at Juan. Nararatay noon ang biyenan ni Simon Pedro, dahil sa matinding lagnat, at ito’y agad nilang sinabi kay Hesus. Nilapitan ni Hesus ang babae, hinawakan sa kamay at ibinangon. Noon di’y inibsan ito ng lagnat at naglingkod sa kanila.

Pagkalubog ng araw, dinala kay Hesus ang lahat ng maysakit at ang mga inaalihan ng demonyo, at nagkatipon ang buong bayan sa may pintuan ng bahay. Pinagaling niya ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman at nagpalayas siya ng mga demonyo. Hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito, sapagkat alam nila kung sino siya.

Madaling-araw pa’y bumangon na si Hesus at nagtungo sa ilang na pook at nanalangin. Hinanap siya ni Simon at kanyang mga kasama. Nang siya ay matagpuan, sinabi nila, “Hinahanap po kayo ng lahat.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Kailangang pumunta rin naman tayo sa mga kalapit-bayan upang makaparangal ako roon – ito ang dahilan ng pag-alis ko sa Capernaum.” At nilibot niya ang buong Galilea, na nangangaral sa mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

OFFERTORIUM:
Alay
from the Fifth Gospel
Nez Marcelo

Berso 1:
Narito Panginoon mga alay naming taglay
Nawa ito'y karapat-dapat sa kabanalan mo
Tanggapin Mo, Panginoon mga gawa ng aming kamay
Ang bunga ng pag-ibig Mo, dugo at katawan.

Koro:
Kapuri-puri ka, O Diyos na lumikha sa'ming lubos
Mula sa kabutihan Mo ang alak at tinapay
ngayo'y aming alay
Dahil sa pag-ibig mo kami ngayon ay narito
Buklod-buklod nawa kaming maglingkod sa Iyo

SANCTUS:
Santo
from Misa Antonio
Allan Antonio

Santo, Santo, Santo
Panginoong Diyos ng mga hukbo
napupuno ang langit at lupa ng kadakilaan mo

Osana sa kaitaasan!

Pinagpala ang naparirito
sa Ngalan ng Panginoon

Osana sa kaitaasan!

MYSTERIUM FIDEI:
Aming Ipinahahayag
from Misa Antonio
Allan Antonio

Aming ipinahahayag
na namatay ang Iyong Anak
nabuhay bilang Mesiyas
at magbabalik sa wakas
para mahayag sa lahat!

GRAN AMEN:
Dakilang Amen (Songs for Ordinary)
from Songs for Ordinary
Arnel DC Aquino, S.J.

PATER NOSTER:
Ama Namin
from Misa Antonio
Allan Antonio
Ama namin, sumasalangit ka
Sambahin ang ngalan mo
Mapasaamin ang kaharian mo
Sundin ang loob mo
Dito sa lupa para nang sa langit.

Bigyan mo kami ngayon ng aming
kakanin sa araw-araw
at patawarin mo kami
sa aming mga sala.

Para nang pagpapatawad namin
sa nagkakasala sa amin
at huwag mo kaming ipahintulot sa tukso
at iadya mo kami sa lahat ng masama

COMMUNIO:
Awit ng Paghilom
from Hangad
Arnel DC Aquino, S.J.

Koro:
Panginoon ko, hanap-hanap Ka ng puso
Tinig Mo'y isang awit paghilom

Berso 1:
Ang baling ng aking diwa ay sa 'Yo
H'wag nawang pababayaang masiphayo
Ikaw ang buntong hininga ng buhay
Dulot Mo'y kapayapaan, pag-ibig

Koro:
Panginoon ko, hanap-hanap Ka ng puso
Tinig Mo'y isang awit paghilom

Berso 2:
Ako'y akayin sa daang matuwid
H'wag nawang pahintulutang mabighani
Sa panandalian at huwad na rilag
Ikaw ang aking tanging Tagapagligtas

Koro:
Panginoon ko, hanap-hanap Ka ng puso
Tinig Mo'y isang awit paghilom

Berso 3:
Sigwa sa'king kalooban 'Yong masdan
Pahupain ang bugso ng kalungkutan
Yakapin ng buong higpit 'Yong anak
Nang mayakap din ang bayan Mong ibig

Koro: 2x
Panginoon ko, hanap-hanap Ka ng puso
Tinig Mo'y isang awit paghilom

RECESSIO:
Sama-samang Ipangalat
from Ang Pista ng Sambayanan
Manoling Francisco

Koro:
Sama-samang ipangalat
ang pag-ibig ng Panginoon
Sama-samang tamasahin,
kaligtasan ng Panginoon.

Berso 1:
Tunay ang saya, tunay ang galak
Dulot ng Poon, awa at habag
Ating tinanggap Kanyang salita
ating tinanggap, Katawang Banal.

Koro:
Sama-samang ipangalat
ang pag-ibig ng Panginoon
Sama-samang tamasahin,
kaligtasan ng Panginoon.

WAKAS